Wikang Filipino ang tangkilikin dahil ito ang atin. Mahalaga na maintindihan nating mga Pilipino na hindi basehan ng pagiging edukado ang pagsasalita ng wikang Ingles. Sa kasalukuyang panahon, karaniwan sa ating mga kapwa Pilipino ay tumitingin sa kagalingan ng ibang tao sa pagsasalita ng wikang Ingles. Hindi natin maipagwawalang bahala na ang kahalagahan ng pagsasalita at pagsulat ng wikang Ingles, dahil itinuturing ito na lenggwahe ng globalisasyon. Ang ating pamahalaan mismo ang nagsasabi na mahalaga ang wikang Ingles upang tayo ay makasabay sa mundo.
Bilang isang mamamayang Pilipino, nararapat lang na tayo ay magsalita o gumamit ng ating sariling wika. Kung ako ay mabibigyan ng pagkakataon, nais kong gumawa ng isang adbokasiya na may kinalaman sa pagtangkilik sa ating sariling wika. Sa mga paaralan, tanggapan,  paliparan o kahit sa anumang lugar dapat magkaroon ng polisiya kung saan ang bawat isa ay kinakailangan magsalita lamang ng Filipino at lahat ng mga mahahalagang dokumento  ay dapat nakasulat sa wikang sariling atin. Alam naman natin na ngayong panahon na ang wikang Ingles ay ginawa ng pamamaraan ng pagtuturo sa ating mga paaralan at bilang lenggwahe ng pakikipag-ugnay sa ating mga kababayan. Ngunit nakakatulong nga ba ito sa pag-unlad ng Pilipinas? Kung mapapansin natin na ang mga bansang mauunlad ay binibigyan ng pansin at kahalagahan ang kanilang sariling wika. Halimbawa sa kanilang mga paliparan, halos lahat ng mga nakasulat katulad ng mga babala, paalala, mga dokumento o mga direksiyon, lahat ay nakasulat gamit ang kanilang sariling wika habang dito sa Pilipinas halos lahat ay nakasulat sa wikang Ingles. Makikita natin kung gaano nila pinapahalagahan ang kanilang wika.
Layunin ng adbokasiyan na magsumikap ang bawat isa na pagyamanin ang wikang Fiipino. Nais ko na maipakita ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika lalo na sa mga kabataan upang mapanatili ang ating kultura at pagkakakilanlan. Maaring mapamahal ang Pilipino sa wikang Filipino at matutunan ng bawat isa sa ating mga Pilipino na tangkilikin ang sariling atin, mapapalago ang ating kultura, at ang hinahangad ng lahat, ang pagkakaisa nating mga Pilipino. 


Mga Komento